KALIBO, Aklan — Umabot sa mahigit sa 419 mga bahay ang nasira matapos ang pananalasa ng baha dala ng habagat na pinalakas pa ng bagyong Crising sa lalawigan ng Aklan.
Sa datos ng Aklan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 411 ang “partially damaged” at tatlo ang “totally damaged” sa bayan ng Ibajay habang apat ang “partially damaged” at isa ang “totally damaged” sa bayan ng Madalag.
Umabot sa mahigit sa 430 na pamilya ang apektado sa dalawang nabanggit na bayan.
Ang barangay Mina-a at Aparicio sa Ibajay ang may pinakamaraming bahay na nasira.
Nakatala naman ng 222 na pamilya o 618 na indibidwal ang inilikas sa bayan ng Ibajay at 209 na pamilya o 671 na indibidwal sa bayan ng Madalag lalo sa mga barangay ng Alaminos, Bacyang, Talimagao, Pang-itan at San Jose.
Samantala, hindi naman naapektuhan ang operasyon ng Kalibo International Airport at Caticlan Airport kung saan patuloy ang mga scheduled flights ng mga eroplano gayundin ang biyahe ng mga motorbanca sa Boracay-Caticlan ports.
Nauna dito, inanunsyo ng Philippine Coast Guard na kanselado muna ang anumang sea sports activities sa Isla ng Boracay dahil sa masamang panahon.
Sa agrikultura, nakapagtala ng malaking pinsala na umabot sa mahigit sa P1.2 milyon kasunod ng pagkalunod ng mga alagang baka na umabot sa pito at pagkasira ng mga pananim.
Hanggang ngayong araw ng Biyernes ay kanselado ang klase sa lahat ng lebel sa 17 bayan ng Aklan.