-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Ikinatuwa ng local pork producers ang 60-day import restriction ng Department of Agriculture (DA), ngunit iginiit nilang hindi ito sapat upang maisalba ang naghihirap na industriya ng pagbababoy.

Hiniling ni Erick Harina, pangulo ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc., na palawigin ang suspensyon hanggang unang quarter ng 2027 at ibalik ang dating mas mataas na taripa sa imported pork upang maprotektahan ang lokal na produksyon.

Ayon kay Harina, umakyat na sa P170 kada kilo ang farmgate price sa Luzon mula P130, kasunod ng suspensyon ng imports noong Nobyembre 24. Gayunman, mas mababa pa rin ito sa P180 na production cost. Nasa P140 kada kilo naman ang farmgate price sa Visayas at Mindanao.

Babala ni Harina, posibleng tuluyang tumigil sa pag-aalaga ng baboy ang maliliit na hog raisers dahil sa patuloy na pagkalugi.

Binigyang-diin din niyang sapat ang suplay ng baboy sa bansa hanggang unang quarter ng 2027, kaya nanawagan siyang bigyang-prayoridad ng gobyerno ang lokal na produksyon kaysa umasa sa imported na karne.

-- ADVERTISEMENT --