TANGALAN, Aklan — Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng isang grupo at mga residente dahil sa agawan sa lupa sa Barangay Panayakan, Tangalan, Aklan nitong Biyernes, Nobyembre 27, kung saan mahigit 21 bahay ang apektado at may narinig umanong putok ng baril sa gitna ng demolisyon.
Ayon kay Barangay Kagawad Regie Templo, mahigit 70 taon nang naninirahan sa naturang lupa ang kanilang pamilya at mayroon silang mga dokumento, kabilang ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na inilabas noong 2006, bilang patunay ng kanilang pagmamay-ari.
Iginiit niya na tax declaration lamang ang hawak ng kabilang panig at hindi umano sapat ang dokumentong ito upang patunayang pag-aari nila ang lupa. Nauna na rin umanong ibinasura ng korte ang kasong illegal settling laban sa kanilang pamilya.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang usapin. Ayon kay Templo, kailangang dumaan sa legal na proseso ang sinumang nagnanais na mag-claim sa lupa at igagalang nila ang magiging desisyon ng kinauukulang ahensya.













