Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) si BINI member Mikha Lim matapos maglabas ang ahensya ng show-cause order kaugnay ng viral video na umano’y nagpapakita sa kanya na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Sa kumakalat na video, makikitang tila gumagamit ng cellphone ang singer habang nasa manibela at pansamantalang inaalis ang kanyang mga kamay sa steering wheel.
Dahil dito, inatasan ng LTO si Lim na magbigay ng paliwanag hinggil sa kanyang naging aksyon bilang bahagi ng imbestigasyon ng ahensya sa posibleng paglabag sa mga batas at regulasyon sa trapiko.
Layunin ng show-cause order na mabigyan ang singer ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig bago magpatuloy ang kaukulang proseso.
Sa ngayon, hindi pa nangangahulugan ang naturang kautusan na napatunayang nagkasala si Lim, dahil nakasalalay pa rin sa resulta ng imbestigasyon at kanyang magiging paliwanag ang susunod na hakbang ng ahensya.













