-- ADVERTISEMENT --

Isinilbi ng Bureau of Customs (BOC), umaga ng Martes, Setyembre 2 ang isang search warrant sa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City, isang kompanya na pagmamay-ari ng mga government contractor na sina Sarah at Curlee Discaya, kung saan pinaniniwalaang nakatago ang kanilang kontrobersyal na mga luxury car.

Sinubukan umano ng mga opisyal ng Customs na pumasok sa gusali noong Lunes ng gabi ngunit sila’y pinigilan ng mga security guard.

Nauna nang inamin ng mag-asawang Discaya sa isang viral na vlog na sila ay may-ari ng 40 mamahaling mga sasakyan.

Ngunit nitong Lunes, sinabi ni Sarah Discaya sa isang pagdinig sa Senado na sila’y may 28 luxury vehicles lamang.

-- ADVERTISEMENT --

Umani ng batikos ang mag-asawa matapos nilang mapasakamay ang P31.5 bilyong halaga ng mga proyekto sa flood control mula sa gobyerno.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng BOC na iimbestigahan nila kung nabayaran ba ang mga buwis at taripa para sa mga inangkat na sasakyan ng mga Discaya.