Iginiit ng Korte Suprema na agad na epektibo ang kanilang desisyon na nagbasura sa impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, sa kabila ng mga petisyong inihain upang kuwestyunin ang naturang ruling.
Kasunod nito, inatasan ng korte sina VP Duterte at ang kanyang abogado, Atty. Israelito Torreon, na magsumite ng komento sa mosyon para sa muling pagrepaso ng Kamara na inihain noong Agosto 4.
Matatandaang kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon nina VP Duterte at Atty. Torreon na nagpapabasura sa reklamo, sa dahilang lumabag ito sa panuntunang isang impeachment complaint lamang ang maaaring isampa kada taon. Noong Hulyo 25, sa botong 13-0-2, idineklara ng SC En Banc na walang bisa ang ika-apat na reklamo laban sa Bise Presidente.
Samantala, hindi pa rin nareresolba ang mosyon ni Rep. Percival Cendaña ng Akbayan Party-list na humihiling na makilahok sa kaso at repasuhin ang desisyon ng korte.