-- ADVERTISEMENT --

POLICE Report — Umabot na sa kabuuang P200,000 ang alok na pabuya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at dating kongresistang si Paul Daza para sa anumang impormasyon na magtuturo sa kinaroroonan ng suspek sa pagpatay sa engineer na si Karen Corsino Del Valle sa Northern Samar.

Naglaan ng tig-₱100,000 na pabuya sina DPWH Secretary Vince Dizon at dating Congressman Paul Daza para sa impormasyon na makatutulong sa pag-aresto sa suspek na si Sgt. Jerome Lluz Tejero na sinasabing ka-live in umano ng biktima.

Si Del Valle, 25-anyos na civil engineer, ay binaril at napatay sa Catarman, Northern Samar noong umaga ng Marso 2 habang ipaparada nila ng kanyang kapatid na si Kent John Corsino ang kanilang motorsiklo sa harap ng Catarman Regional Trial Court sa Barangay Dalakit.

Nagtamo siya ng tama ng bala sa ulo at idineklarang dead on arrival sa ospital, habang sugatan naman ang kanyang kapatid na nananatiling nasa kritikal na kondisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Naglunsad ng manhunt ang mga awtoridad matapos umanong tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. Naglatag din ng mga checkpoint sa Catarman at kalapit na lugar upang matunton ang suspek.

Nauna nang kinondena ng Philippine Army ang insidente at sinabing ang suspek ay aktibong miyembro ng Army’s 8th Infantry Division na nakatalaga sa Samar at umano’y dating live-in partner ni Del Valle.

Batay sa inisyal na ulat, naganap ang pamamaril sa araw na nakatakdang dumalo ang magkapatid sa pagdinig sa korte kaugnay ng Violence Against Women and Children (VAWC) case na isinampa ni Del Valle laban kay Tejero.

Sinabi rin ng Philippine Army na nakikipagtulungan ito sa Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon at sa agarang pag-aresto sa suspek.