-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan— Nababahala ang hanay ng mga magsasaka sa Western Visayas kasunod sa pagbaba ng farmgate price ng palay na magiging dahilan ito ng lubusang pagkalugi at kawalan ng kita lalo na ngayong harvest season.

Ayon kay Lucia Capaducio, chairperson ng Paghugpong ng Mangunguma sa Panay at Guimaras (PAMANGGAS), hindi nila naramdaman ang mga hakbang na ginawa ng administrasyong Marcos Jr. gaya na lamang ng importation ban sa bigas at ang pagbebenta ng P20 pesos per kilo ng bigas sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Itinuturing ng mga magsasaka na band-aid solution ang ilang programa na ipinatupad ng pamahalaan dahil sa hindi naman maralitang magsasaka ang lubusang nakabenepisyo nito lalo na’t tinamaan ng mga nagdaang bagyo ang mga palayan.

Hiling ng mga ito sa gobyerno na bigyang pansin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng sapat na pondo para sa mga makinarya, binhi, abono at pestisidyo.

Maituring aniya na malaking peste sa sektor ng agrikultura ang maling sistema, middle man at kawalang solusyon sa suliranin ng mga magsasaka.

-- ADVERTISEMENT --