KALIBO, Aklan—Nakikiisa ang bayan ng Kalibo, Aklan sa selebrasyon ng Chinese New Year ngayong araw sa pamamagitan ng mga inihanda na programa at aktibidad ng lokal na pamahalaan na magtatapos hanggang Enero 31, 2025.
Ayon kay Carla Doromal, executive assistant to the office of the municipal mayor, ilan sa mga event na inihanda ng LGU para sa mga kapatid nating Chinese ay ang Tai Chi Zumba, Exhibit, Acupuncture, Calligraphy Booth at ibibida rin ang iba’t ibang Chinese cuisines sa food exhibit.
Ang lahat ng ito ay makikita sa Calle Rizal sa Barangay Poblacion, Kalibo na kilala bilang Chinese street dahil halos ang mga nakatira ditto ay may dugo at lahing Chinese.
Ayon pa kay Doromal, taunang nakikipag-ugnayan ang LGU sa Filipino-Chinese Community upang ipahayag ang pagkilala sa okasyon at pagbigay galang sa kanilang kultura at tradition.
Inaasahan na dadayuhin ng mga bisita ang nasabing lugar dahil mararamdaman ang pagiging Chinese sa mga inihandang aktibidad ag maging sa mga inilagay na dekorasyon.
Nabatid na malaking porsyento ng mga negosyante sa bayan ng Kalibo ay mga Chinese.