Magkakaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya at pangunahing serbisyo ang kaliwa’t kanang paghain ng reklamo sa mga leader ng bansa.
Ito ang naging pananaw ni Professor Danilo Arao ng Department of Journalism, UP–Diliman kasunod ng inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay.
Maliban dito, naghain din sina former Sen. Antonio Trillanes IV at ilang miyembro ng civil society organization na The Silent Majority sa Office of the Ombudsman ng panibagong reklamong ‘plunder at graft’ laban kay Vice President Sara Duterte.
Dahil dito ay masyadong distracted na aniya ang dalawang mataas na leader ng bansa na maaaring hindi na maitawid ng maayos ang kanilang trabaho kahit na may umaasikaso naman sa mga ito.
Ngunit ang ganitong nangyayari sa kasalukuyan ay posibleng nakaabot na sa mga mamumuhunan sana sa bansa at maaaring magdalawang isip ang mga kung ipapasok paba nila ang kanilang negosyo sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Arao na kahit may inilaang pondo para sa mga pangunahing serbisyo gaya nang sa edukasyon, imprastraktura, kalusugan at iba pa ngunit hindi ito napagtutuunan ng pansin dahil sa kaliwa’t kanang suliranin sa mga leader ng bansa.












