Ikinatuwa at ipinagpasalamat ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang pag-atras ng San Miguel Holding Corporation sa P7.78 bilyong Boracay Bridge Project matapos ang malawakang pagtutol mula sa mga residente, environmental group, tourism stakeholder, at iba pang sektor.
Ayon kay Aklan 2nd District Congressman Florencio Miraflores sa isinagawang stakeholders meeting sa isla, pagkatapos ng kanilang pag-uusap noong Mayo 13 ay pumayag umano si San Miguel Corp. President at CEO Ramon Ang na kanselahin ang proyekto.
Ito ay dahil sa malakas na pagtutol mula sa ilang lokal na opisyal, environmental groups, residente, at transport groups dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan, turismo, at kabuhayan sa isla.
Nabatid na naghain din si Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima ng panukala para sa congressional inquiry kaugnay ng proyekto.
Ang proyekto sana ay magtatayo ng 2.54-kilometrong tulay na mag-uugnay sa Boracay Island at mainland Malay kabilang ang mga bike lane, sidewalk, at transport infrastructure.
Nauna na itong naaprubahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng PPP scheme.
Gayunman, tinutulan ito ng mga grupo dahil sa posibleng pinsala sa ecosystem ng Boracay, epekto sa turismo, at kabuhayan ng mga apektadong manggagawa sa isla lalo na ang mga bangkero.
Sinabi pa umano ni Ang na sa kabila ng layunin ng proyekto na mas mabilis na access at mas maayos na logistics, subalit mas pinakinggan niya ang boses ng nakararami.
Bibigyan na lamang umano niya ng pansin ang construction ng terminal building sa Caticlan airport na kasalukuyang pinapatakbo at pinangangasiwaan ng kanyang kompaniyang San Miguel Corporation.












