-- ADVERTISEMENT --

LIBACAO,  Aklan — Umaasa ang kampo ng mag-amang Vice Mayor-elect at Mayor-elect ng Libacao, Aklan na makaka-upo sila sa pwesto sa tanghali ng Hunyo 30, 2025.

Ayon kay Atty. Axel Gonzales, may naka-pending silang apela sa Korte Suprema kaugnay sa ipinalabas na dismissal order laban sa kanila ng Office of the Ombudsman.

Pinapatalsik sa pwesto ang mag-amang Vice Mayor-elect Charito Navarosa at anak na si Mayor-elect Vincent Navarosa kasama si Municipal Engineer Peter Orbista kaugnay sa reklamong isinampa ng isang pribadong kompanya para sa paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Inatasan sa pamamagitan ng isang sulat mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) si Sangguniang Bayan Member Bagto Zapata na umupo bilang alkalde simula noong Mayo 26, 2025.

Noong Mayo 27, 2025, pormal nang nanungkulan si Zapata bilang alkalde at mananatili sa posisyon hanggang Hunyo 30, 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Noong May 12 midterm election, nanalo ang amang si Charito Navarosa bilang vice mayor, habang nanalo ang anak na si Vincent Navarosa bilang mayor.

Tinukoy pa ni Atty. Gonzales ang pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maari pang makabalik sa kanilang tungkulin ang mga local official na dating nasibak ng Office of the Ombudsman ngunit nanalo sa eleksyon noong Mayo 2025 batay sa umiiral na jurisprudence, kabilang ang Pichay vs Commission on Elections at Muñoz vs House of Representatives Electoral Tribunal, na binibigyang-diin na ang ‘accessory penalties’ ay maaaring ipatupad lamang kapag pinal na ang desisyon. Bukod sa dismissal, maaaring harapin ng mga respondent ang kanselasyon ng eligibility, benepisyo sa pagreretiro, at permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.