Inaasahang mas maraming magsasaka ang makikinabang matapos luwagan ng National Food Authority (NFA) ang pamantayan nito sa pagbili ng palay kasunod ng konsultasyon sa mga stakeholder.
Inanunsiyo ni NFA Administrator Larry Lacson ang pag-amyenda sa moisture content requirement, kung saan itinaas sa 14 porsiyento ang para sa malinis at tuyong palay at 22 hanggang 29.9 porsiyento para sa sariwa at basang palay. Ipatutupad din ang graduated pricing scheme upang mabawasan ang outright rejection at mas maraming ani ang matanggap. Niluwagan din ang pamantayan sa peste at papayagan ang palay na may minimal infestation.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., suportado ng hakbang ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pataasin ang kita ng mga magsasaka at palakasin ang food security sa papalapit na rurok ng anihan.












