-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Kinilala ng National Research Council of the Philippines (NRCP) ang isinagawang pananaliksik ng Kontra Daya hinggil sa mga party-list group na tumakbo noong 2025 Midterm Elections, dahil sa naging kontribusyon nito sa pagbuo ng mga polisiya ng pamahalaan.

Ayon kay Prof. Danilo Arao ng University of the Philippines College of Mass Communication at convenor ng Kontra Daya, sumailalim sa masusing pagsusuri ng mga eksperto ang kanilang mga datos na ginamit bilang batayan sa pag-aaral at pagsusuri sa mga party-list group.

Samantala, inilarawan din ni Arao ang red-tagging bilang isa sa mga pinakamapanganib na uri ng disinformation dahil maaari itong humantong sa pagkakakulong o maging sa pagpatay sa mga indibidwal na inaakusahan na may kaugnayan sa mga armadong grupo.

Giit niya, higit pa sa maling paratang ang epekto ng red-tagging dahil nalalagay nito sa panganib ang buhay at kaligtasan ng mga taong tinatarget.

Binigyang-diin din ni Arao na dapat seryosohin ang naturang usapin dahil ang pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa isang indibidwal ay maaaring magdulot ng mabibigat na epekto sa buhay nito.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, mahalagang kilalanin ang mga panganib na dulot ng red-tagging at tiyaking nakabatay sa ebidensiya ang anumang paratang laban sa isang indibidwal o grupo. Via Bombo Ashley Mae Pamaos