KALIBO, Aklan— Namayagpag ang talento at galing ng mga Aklanon sa ginanap na 11th Emirates Film Festival kamakailan lamang sa Dubai, United Arab Emirates.
Nasungkit ni Dr. Ma. Clarissa Zayna Zolina-Faminiano ang Best Original Song sa isinulat nitong kanta na “Pagod at Luha” habang naging nominado naman bilang Best Director si Direk Mark-Adam Ingeneiro para sa pelikulang “Abnegasyon.”
Ayon kay Dr. Faminiano, malaking karangalan para sa kanila na makilala ang mga talentadong Aklanon hindi lamang sa larangan ng musika kundi sa iba pang aspeto.
Ang kanyang kantang “Pagod at Luha,” ay isang orihinal na komposisyon, ang opisyal na musika para sa pelikulang “Abnegasyon,” na idinirek ng Dubai-based director na si Ingeniero
Siya ang kompositor ng “Feel Alive, Feel Aklan!”, ang opisyal na jingle ng Aklan Provincial Tourism Council na madalas marinig sa lokal na radyo at sa mga pageant na kalahok ang Aklanon beauty.
Samantala, naging inspirasyon naman ni Direk Ingeneiro ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers sa kaniyang pelikulang “Abnegasyon”.
Nasaksihan aniya nito ang hirap ng trabaho bilang OFW kung kaya’t hinikayat niya ang mga kaanak ng nangingibang bansa na maging maingat sa paghawak ng pera na ipinapadala sa kanila at laging kamustahin ang kaanak dahil ito lamang ang nagbibigay lakas sa kanila sa ibayong dagat.
Maliban sa pagiging film maker, si Ingeniero ay isa ring New Business Manager sa British Advisory Company na tumutulong sa mga tao na mag-ipon at maghanda sa kanilang retirement.
Ang Emirates Film Festival, na itinatag noong 2013, ang kauna-unahang independent film festival sa Dubai.