-- ADVERTISEMENT --

Dumating sa bansa ang unang batch ng repatriated overseas Filipino workers (OFWs) mula Gitnang Silangan noong Martes ng gabi, bunsod ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Nasa 31 OFWs ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, kabilang ang 26 mula Israel, tatlo mula Jordan, isa mula Palestine, at isa mula Qatar, sakay ng Qatar Airways mula Amman, Jordan.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, inaasahang darating ngayong linggo ang pangalawang batch na binubuo ng 50 OFWs, habang 20 pa ang kasalukuyang pinoproseso.

Bawat OFW ay nakatanggap ng PHP150,000 financial assistance, pansamantalang tirahan, at transportasyon pauwi sa kanilang mga probinsya. Kasabay nito, inihayag ng gobyerno ang mga reintegration services tulad ng medical at psychological support, skills training mula TESDA, at business training mula sa DTI.

Dagdag ni DMW Undersecretary Felicitas Bay, 311 OFWs mula sa Israel ang nagpahayag ng interes na magpa-repatriate, habang ipinakita ni OWWA Chief Patricia Yvonne Caunan ang suporta ng gobyerno para sa ligtas at maayos na pagbabalik ng mga manggagawa.

-- ADVERTISEMENT --