KALIBO, Aklan — Nakapagtala ang lalawigan ng Aklan ng kabuuang 4,449 na namatay noong 2024, mas mababa ng 2.1 porsiyento kumpara sa 4,545 na naitala noong 2023, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa kabuuang bilang, 4,288 o 96.38 porsiyento ay mga residente ng Aklan, habang 161 naman ay nagmula sa ibang lalawigan.
Pinakamaraming naitalang namatay sa Kalibo na may 707 kaso, sinundan ng Ibajay na may 406, New Washington at Banga na kapwa may 330, at Batan na may 276.
Samantala, pinakamababa ang naitala sa Buruanga na may 117 kaso at Lezo na may 119.
Batay naman sa buwan ng pagkamatay, nanguna ang Enero na may 424 kaso, kasunod ang Agosto na may 421. Pinakamababa ang Hunyo na may 322 kaso.
Lumabas din sa datos na mahigit kalahati o 50.7 porsiyento ng mga pagkamatay ay naganap sa mga tahanan, katumbas ng 2,255 kaso, habang 2,140 o 48.1 porsiyento naman ang nangyari sa mga ospital.
Ang datos ay batay sa mga death certificate na buwanang isinusumite ng mga Local Civil Registry Office sa iba’t ibang bayan ng Aklan.













