Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na isa sa bawat apat na kabataang edad 11 hanggang 17 sa buong mundo ay hindi nagsasagawa ng sapat na pisikal na aktibidad.
Batay sa pag-aaral na inilathala sa The Lancet Global Health, tinatayang 240 milyong kabataan ang walang kahit isang araw na sapat na ehersisyo sa loob ng isang linggo.
Ayon sa WHO, mas mababa ang antas ng pisikal na aktibidad ng mga babae kumpara sa mga lalaki.
Nasa 28 porsiyento ng mga babae ang walang aktibong araw, kumpara sa 22 porsiyento ng mga lalaki.
Sa Pilipinas, tinatayang 40 porsiyento ng mga kabataan ang walang naitalang aktibong araw sa loob ng isang linggo.
Nagbabala ang WHO na ang kakulangan sa ehersisyo ay nagpapataas ng panganib sa sakit sa puso, type 2 diabetes at ilang uri ng kanser.
Dahil dito, nanawagan ang organisasyon sa mga bansa na lumikha ng ligtas at madaling mapupuntahang mga lugar para mahikayat ang mga kabataan na maging aktibo sa pamamagitan ng paglalakad, pagbibisikleta at paglalaro.













