-- ADVERTISEMENT --

Umamin ang isang 15-anyos na binatilyo sa pagpatay sa kaniyang 46-anyos na ina matapos silang magtalo sa kanilang bahay sa Barangay Looc, Panglao, Bohol.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagalit umano ang binatilyo matapos siyang pagalitan ng kaniyang ina dahil sa pagliban sa klase. Nauwi sa pisikal na komprontasyon ang kanilang pagtatalo hanggang sa hampasin umano nito ng martilyo ang ulo ng biktima.

Natagpuan ang bangkay ng babae dakong alas-9:30 ng umaga noong Oktubre 31 sa loob ng isang abandonadong septic tank, matapos itong mapansin ng kapitbahay at kaanak.

Narekober naman ng mga pulis ang martilyong ginamit umano sa krimen matapos ituro ito ng binatilyo.

Ayon pa sa pulisya, batay sa kanilang imbestigasyon, maayos umanong mag-aaral at atleta ang binatilyo at wala ring naitalang bisyo o regular na kinabibilangang barkada. Nalaman din ng mga awtoridad na aktibo ito sa online game na Roblox at mataas na ang naabot nitong level sa laro.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng Bohol Police Provincial Office, naipasa na ang menor de edad sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kaukulang interbensyon.