NABAS, Aklan — Nagbabala ang pulisya laban sa nagbebenta ng mga pekeng produkto matapos mabiktima ang isang negosyante sa Nabas, Aklan, na nawalan ng halos ₱97,500 matapos umanong maloko ng tatlong lalaking nagpanggap na mga distributor ng isang beauty products.
Batay sa ulat, dumating umano ang tatlong lalaki noong Oktubre 12, bandang alas-8:30 ng umaga, at nag-alok ng mga lotion, bar soap, baby shampoo at iba pang personal care products sa biktima para sa kanyang nakatakdang buksang mini-mart at wholesale store.
Nangako rin ang mga suspek na maaaring palitan ang mga produktong hindi maibebenta at magtatayo pa ng promotional booth.
Dahil dito, nahikayat ang biktima na magbayad ng nasa ₱97,500 sa pamamagitan ng GCash sa pangalang “Jacqueline.” Natuklasan din na ang GCash account na pinagpadalhan ng bayad ay hindi umano pag-aari ng mga suspek, kundi nakapangalan sa isang puwesto sa Poblacion, Numancia, kung saan iniulat na na-cash out ang pera.
Nadiskubre lamang ng biktima na pinaghihinalaang peke ang karamihan sa mga produkto matapos mapansing iba ang kulay at mas malabnaw ang baby shampoo kumpara sa orihinal.
Hindi na rin siya sinasagot ng mga suspek nang tangkain niya silang kontakin kaya nagsumbong siya sa Nabas Municipal Police Station upang maiwasang may iba pang mabiktima.
Samantala, itinanggi ng SYL na nagbebenta ito ng beauty products at sinabing hindi nito kilala ang mga taong sangkot sa insidente.












