Arestado ang isang 56-anyos na public elementary school principal at apat pang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Don Ruben, San Jose, Dinagat Islands, araw ng Biyernes, Oktubre 30.
Isinagawa ang operasyon ng Regional Drug Enforcement Unit-13 at Regional Intelligence Division-13, katuwang ang lokal na pulisya at Provincial Mobile Force Platoon, dakong alas-12:45 ng madaling araw.
Kinilala ang pangunahing suspek sa alyas na “Wel,” na itinuring ng pulisya bilang high-value drug personality. Kasama rin sa mga naaresto ang apat na residente na kinilala sa mga alyas na “JB,” “Yan-Yan,” “Dodo” at “Tata.”
Nakumpiska sa operasyon ang walong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 1.5 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱10,000, bukod pa sa marked money at ilang drug paraphernalia.
Nahaharap ang limang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.












