Idineklara ng House Committee on Justice na sapat sa porma ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya’t maaari nang umusad ang pagtalakay kung sapat din ang mga ito sa nilalaman.
Ang mga reklamo, na inihain ng isang abogado at ng 36 na kinatawan ng iba’t ibang sektor at inendorso ng mga mambabatas, ay kinilalang maayos ang pagkakafile alinsunod sa mga patakaran ng Kamara, sa kabila ng ilang teknikal na isyung ibinangon sa deliberasyon.
Itinakda ng komite ang pagpapatuloy ng pagdinig para sa susunod na yugto ng impeachment process, kung saan susuriin ang mga paratang, ebidensya, at hurisdiksyon. Kabilang sa mga alegasyon laban sa Pangulo ang paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, at betrayal of public trust. Samantala, may hiwalay ding mga impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.












