-- ADVERTISEMENT --

Humihingi ng karagdagang impormasyon ang International Criminal Police Organization (Interpol) mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kahilingang magpalabas ng red notice laban kay dating Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ayon sa NBI, isinagawa ang kahilingan ng Interpol sa pamamagitan ng Philippine Center on Transnational Crimes at may takdang hanggang Pebrero 11 ang ahensiya upang magsumite ng karagdagang detalye para sa pagdedesisyon ng Interpol. Nauna nang isinumite ng NBI ang request para sa red notice noong Nobyembre 23, 2025.

Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang NBI sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan upang makalikom ng kinakailangang impormasyon.

Samantala, tuloy pa rin ang paghahanap ng mga awtoridad kay Co, na ayon sa Department of the Interior and Local Government ay nasa Portugal, bagaman may indikasyong siya ay nasa Stockholm, Sweden batay sa kamakailang petisyong inihain sa Korte Suprema na nilagdaan niya.