
Nagbabala ang mga eksperto sa kalusugan sa pagdami ng kabataang Pilipino, kabilang ang mga edad 13 hanggang 15, na gumagamit ng vape. Lumitaw ito sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography kaugnay ng mga panukalang naglalayong ipagbawal o higpitan ang paggamit ng e-cigarettes at heated tobacco products sa bansa.
Sa pagdinig na pinamunuan ni Risa Hontiveros, iniulat ng mga eksperto mula sa Lung Center of the Philippines at Philippine Pediatric Society na maging mga mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 9 ay nakasubok na ng vape at naaakit sa iba’t ibang flavor at disenyo ng mga produktong madaling mabili online.
Batay sa Global Youth Tobacco Survey noong 2019, 14% ng kabataan ang gumagamit ng vape habang 24.7% ang nakasubok na nito. Sa isang mas bagong survey sa mga paaralan, tinatayang 60% hanggang 70% ng mga estudyante ang nakaranas nang gumamit ng vape.
Dahil dito, isinusulong ni Raffy Tulfo ang total ban sa vape products matapos umakyat mula 37,513 noong 2021 hanggang 423,185 noong 2023 ang bilang ng teenage users. Nanawagan naman si Pia Cayetano ng mas mahigpit na regulasyon at posibleng pagtaas ng minimum age sa paggamit nito.
Pinag-aaralan ng Department of Health ang posibleng pagbabawal sa vape habang patuloy na nire-review ng Senado ang Republic Act No. 11900 upang mapalakas ang proteksiyon sa kalusugan ng publiko, lalo na ng kabataan.












