Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga bagong impormasyong maaaring makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, natukoy na ng ahensya ang mga prayoridad na lugar na posibleng pinagtataguan ng senador at maaaring magsagawa ng operasyon sa mga ito sa lalong madaling panahon.
Dumami ang mga impormasyong ipinapadala ng publiko matapos ipahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ₱50-milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong hahantong sa pagkaka-aresto sa senador.
Gayunman, kailangan munang beripikahin ng mga imbestigador ang mga natatanggap na impormasyon at personal na puntahan ang mga lugar na posibleng pinagtataguan ni Dela Rosa.
Tinitingnan din ng NBI kung nasa Pilipinas pa ang senador, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nagbigay ang Philippine National Police (PNP) ng isang linggong ultimatum kay Dela Rosa upang sumuko.












