WASHINGTON, D.C. — Isusulong ni Republican Congressman Thomas Massie ang botohan sa US House of Representatives ngayong linggo upang ma-impeach si Defense Secretary Pete Hegseth dahil umano sa paglabag nito sa Konstitusyon ng Estados Unidos.
Ayon kay Massie, ilegal umano ang patuloy na pakikilahok ng US sa mga labanan sa Iran nang mahigit 90 araw nang walang pahintulot ng Kongreso.
Bagama’t inaasahang mabibigo ang hakbang dahil kontrolado pa ng mga Republican ang Kongreso, sinabi ni Massie na layunin niyang hikayatin si Pangulong Donald Trump na palitan si Hegseth bago makapagsimula ng sariling impeachment proceedings ang mga Democrat sa susunod na taon.
Samantala, sinabi ni Hegseth na hindi siya nababahala sa naturang hakbang at magsasagawa siya ng press conference upang talakayin ang isyu.
Kailangan ang pag-apruba ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang tuluyang maalis sa puwesto ang isang miyembro ng gabinete sa pamamagitan ng impeachment. Bihira itong mangyari sa kasaysayan ng US.
Inaasahang makakakuha si Massie ng suporta mula sa mga Democrat, ngunit kailangan pa rin niyang kumbinsihin ang ilang kapwa Republican upang maisulong ang kanyang panukala.













