-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ng tagausig ng International Criminal Court (ICC) sa mga hukom na tanggapin ang dalawa pang ekspertong ulat bilang ebidensya sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity o krimen laban sa sangkatauhan.

Sa dokumentong inihain noong Oktubre 30, hiniling ni Acting ICC Prosecutor Mame Mandiaye Niang na isama sa ebidensya ang pinagsamang ulat ng mga ekspertong saksi na P-1071 at P-1078, gayundin ang hiwalay na ulat ni P-1162.

Ayon sa tagausig, ipinapakita ng ulat ni P-1162 na kuwestiyonable ang paliwanag na karamihan sa mga napatay sa operasyon kontra droga ay nasawi dahil sa lehitimong pagtatanggol sa sarili ng mga pulis.

Sinuri rin ng eksperto ang paggamit ng nakamamatay na puwersa ng Philippine National Police (PNP), kabilang ang bilang ng mga suspek na nasugatan at napatay, mga pulis na nasawi, at dami ng mga operasyong isinagawa.

Partikular ding pinagtuunan ng pagsusuri ang lalawigan ng Bulacan.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa pagsusuri, may matibay umanong batayan upang paniwalaang may mga engkuwentro na isinagawa lamang upang pagtakpan ang mga planadong pagpatay.

Iginiit ng tagausig na maaaring nagpapakita ito ng sistematikong extrajudicial killings o mga pagpatay sa labas ng proseso ng batas, sa halip na lehitimong pagpapatupad ng batas.