KALIBO, Aklan — Grand winner sa leadership category si Malay Tourism Officer Felix Delos Santos sa ginanap na International Luminary Award, matapos siyang i-nominate ni Dr. Ersyl Biray ng Aklan State University.
Ayon kay Delos Santos, kinilala ang kanyang mga kontribusyon sa komunidad sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at proyektong nagdulot ng positibong epekto sa mga residente, partikular sa bayan ng Malay.
Kinikilala sa nasabing kategorya ang mga lider na nakapagtatag ng mga organisasyon at nakapagbigay ng mahahalagang kontribusyon sa pamamagitan ng mga makabago at epektibong estratehiya sa pamamahala na naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng komunidad.
Sa kabuuang 15 botante, 14 ang bumoto pabor kay Delos Santos.
Kabilang sa mga proyektong sinuri ng mga assessor ang Project Pristine, na mayroong project management plan at naglalayong bigyan ng responsibilidad ang bawat asosasyon at kooperatiba sa pangangalaga ng isang partikular na lugar upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng ekonomiya at kalikasan.
Kinilala rin ang Project LNOB o Leave No One Behind, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga residente ng Malay na maibenta ang kanilang mga produkto sa bazaar at magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan.
Kabilang din dito ang Project BIG-A o Boracay Information Guide App, na nagbibigay ng real-time na impormasyon tungkol sa mga tour guide at kasalukuyang mga aktibidad sa isla.
Idinagdag din ni Delos Santos ang Project My Desk, na naglalayong maglagay ng information desk sa beach area upang magkaroon ng malalapitan ang mga turista para sa kanilang mga katanungan at pangangailangan sa impormasyon.
Ayon kay Delos Santos, ilan lamang ang mga nabanggit na proyekto sa mga isinaalang-alang ng mga assessor sa pagpili sa kanya bilang nagwagi sa nasabing parangal. Via Bombo Cherry Mae Illavera













