Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kanser bago sumapit sa katanghaliang-gulang ang mga taong nakararanas ng obesity sa kanilang edad 20 hanggang 30, batay sa isang bagong pag-aaral na inilathala sa Annals of Internal Medicine noong Oktubre 26.
Sinuri sa pag-aaral ang mahigit 6.3 milyong adultong edad 20 hanggang 39 sa South Korea na sinubaybayan sa loob ng average na 11 taon.
Lumabas sa resulta na habang tumataas ang timbang at antas ng obesity, tumataas din ang panganib na magkaroon ng kanser.
Naitala ang 1.84% na cancer incidence sa mga normal ang timbang, kumpara sa 2.24% sa may Class I obesity at 2.62% sa may Class II obesity.
Kabilang sa mga uri ng kanser na may mas malakas na kaugnayan sa obesity ang thyroid, ovarian, colorectal, kidney, liver, pancreatic at endometrial cancer.
Natuklasan din na ang labis na taba sa bahagi ng tiyan ay maaaring magpataas ng panganib sa kanser, kahit sa mga taong may katamtamang timbang.
Dahil dito, binibigyang-diin ng mga mananaliksik ang kahalagahan ng pagpapanatili ng malusog na timbang sa pamamagitan ng wastong pagkain, regular na ehersisyo at angkop na medikal na pangangalaga upang makatulong na mabawasan ang panganib ng kanser.













