-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Tinatayang 20 hanggang 30 estudyante ng Valderrama National High School ang dinala sa ospital matapos makaranas ng panic attack at sintomas ng hyperventilation kasunod ng magnitude 5.1 na lindol na tumama sa Valderrama, Antique, dakong alas-7:29 ng umaga nitong Miyerkules, Nobyembre 25.

Ayon kay Broderick Gayona Train, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO-Antique), maayos na ang kondisyon ng mga estudyanteng dinala sa ospital.

Naramdaman ang pagyanig sa humigit-kumulang walong bayan sa Antique, kabilang ang Valderrama, Culasi, Pandan, Sebaste, at iba pang karatig-lugar.

Bahagya rin itong naramdaman sa San Remigio, na nagsisilbing kabisera ng lalawigan.

Sa paunang assessment ng mga awtoridad, wala pang malaking pinsalang naiuulat kasunod ng lindol.

-- ADVERTISEMENT --

May ilang minor cracks na napansin, kaya nagsasagawa ng masusing inspeksyon sa mga gusali ang Municipal Engineering Office, MDRRMO, Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine National Police (PNP).

Patuloy na sinusuri ng mga kinauukulang tanggapan kung may iba pang significant effects o pinsalang dulot ng pagyanig.

Samantala, patuloy ang monitoring at koordinasyon ng PDRRMO Antique sa MDRRMO Valderrama at mga karatig-bayan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at masubaybayan ang posibleng epekto ng lindol.

Bilang pag-iingat kasunod ng lindol, nagkaroon ng suspensyon ng in-person classes sa ilang paaralan sa Valderrama at Culasi.

May mga paaralan ding nag-shift sa alternative delivery mode upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.

Samantala, nagpatuloy ang paglalabas ng class suspension advisories sa ilang bayan sa Antique at Iloilo.