-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan —  Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa natagpuang patay na katawan ng driver sa loob mismo ng kanilang pinapasadang bus sa kanilang garahe sa Barangay Estancia, Kalibo, Aklan, madaling-araw ng Biyernes, Oktubre 10, 2025.

Base sa report,  alas-5:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa garahe ng Ceres Bus na matatagpuan sa nasabing lugar.

Ayon sa konduktor,  sabay pa umano silang natulog kagabi ng 37-anyos na kasamahang bus driver at residente ng Barangay Altavas, Aklan, sa loob ng bus na kanilang pinapasada at sa likod na bahagi nito pumuwesto ang biktima.

Nang magising,  agad umano niyang binuksan ang ilaw ng bus at tinawag ang driver, subalit hindi ito sumasagot at nang hawakan ay malamig na ang kanyang katawan.

-- ADVERTISEMENT --

Dakong alas-8:00 kagabi nang dumating sila sa garahe mula sa kanilang biyahe sa Iloilo.

Wala naman umano siyang nakitang kakaibang ikinikilos ng biktima at iniindang karamdaman bago sila natulog kagabi.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon sa insidente ang Scene of the Crime Operatives (SOCO).