-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan–Naniniwala si Atty. Harry Sucgang, political analyst sa Aklan na malaki ang posibilidad na aprubahan ng Senado ang isinusulong na resolusyon ni Senador Alan Peter Cayetano na mabigyan ng pansamantalang kalayaan at isailalim sa house arrest si former president Rodrigo Duterte sa Philippine embassy.

Ito ay dahil aniya sa karamihan ng mga senador ay kaalyado ng dating presidente.

Maalalang hiniling ni Cayetano sa gobyerno ng Pilipinas na magsanib puwersa sa International Criminal Court (ICC) upang maibigay ang pansamantalang kalayaan ni Duterte, at imungkahi na isailalim ito sa house arrest habang hinihintay ang pagsisimula ng trial.

Ngunit ayon kay Atty. Sucgang na nakadepende sa discretion ng ICC kung pahihintulutan ang nasabing kahilingan.

Ilan aniya sa mga tinitingnan na banta ng ICC sakaling pahintulutan ito ay ang posibilidad na makatakas siya, hindi mabigyan ng kaukulang seguridad at hindi makakasipot anumang oras na kailangan siya ng korte.

-- ADVERTISEMENT --

Nakasaad pa sa resolusyon ni Cayetano na susundin ang anumang kundisyon na ibibigay ng Pre-Trial Chamber, gaya ng mga limitasyon sa kaniyang galaw, pagpapanatili sa isang partikular na address, pagbawal sa pakikipag-ugnayan sa mga biktima o saksi, at pagsunod sa mga summons.

Isinulong ang resolusyon dahil sa umano’y buto’t balat na lamang ang dating pangulo kahit na nasa maayos itong kalusugan batay na rin sa naging kumpirmasyon ng kaniyang dating asawa na si Gng. Elizabeth Zimmerman.