Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tanging ang mga indigent na senior citizens lamang ang qualified sa Social Pension for Indigent Senior Citizens Program o SocPen ng DSWD.
Binigyang diin ito ni Assistant Secretary Ada Colico ng DSWD Protective Programs sa gitna ng reklamo ng ilang senior citizens na hindi nakakatanggap ng ayuda.
“Ulitin po natin na tanging mga senior citizen na mahihirap, may sakit, mahina, o may kapansanan at walang tinatanggap na pension, tulong mula sa kapamilya, o permanenteng pinagkakakitaan para masuportahan ang kanyang pang-araw araw na pangangailangan ang maaaring tumanggap ng buwanang pension sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens mula sa DSWD,” pahayag ni Colico.
Sinabi ni Colico, ang SocPen ay programa sa ilalim ng Republic Act No. 9994 o “Expanded Senior Citizens Act of 2010” na nagbibigay ng P500 pension kada buwan para matulungan ang mga senior citizens sa pagbili ng mga maintenance na gamot.
Pero sa ilalim ng Republic Act No. 11916 o “An Act Increasing the Social Pension of Senior Citizens,” na pinasa noong July 2022, itinaas ito sa P1,000 kada buwan.
Sakop ng batas ang 4,085,066 qualified “indigent” senior citizens sa bansa.
Kaugnay nito, umapela si Calico sa publiko na huwag pansinin ang kumakalat sa social media na tatanggap ng pension ang mga senior citizens mahirap man o mayaman.