Nagbabala ang grupong BAN Toxics sa publiko laban sa mga mapanganib na kemikal na maaaring matagpuan sa mga laruan at kasuotan pang-Halloween na ibinebenta sa mga pamilihan.
Batay sa isinagawang pagsusuri ng grupo, nakitaan ang ilang produkto ng mataas na antas ng lead na umaabot sa 1,130 parts per million (ppm) at cadmium na hanggang 160 ppm, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga bata.
Ayon kay Thony Dizon ng BAN Toxics, nabigo ring sumunod sa mga pamantayan sa paglalagay ng tamang label ang lahat ng nasuring produktong pambata.
Iginiit ng grupo na dapat sumunod ang mga manufacturer at importer sa mga batas pangkaligtasan, kabilang ang Republic Act 10620 o Toy and Game Safety Labeling Act of 2013, upang maiwasan ang pagkakalantad ng mga bata sa nakalalasong kemikal.
Nanawagan din ang grupo sa Food and Drug Administration (FDA) at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng inspeksyon at kumpiskahin ang mga laruan at produktong pambata na walang wastong label at kaukulang abiso.













