-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nagbubunga ang pinaigting na kampanya kontra kriminalidad ng Police Regional Office 6 (PRO-6) matapos makapagtala ng 72 naarestong personalidad na sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang operasyon mula Nobyembre 1 hanggang 15.

Ayon kay Police Major Lailyn Sencil, Public Information Officer ng PRO-6, umabot sa 62 operasyon kontra ilegal na droga ang isinagawa ng kapulisan sa nasabing panahon.

Sa kabuuang 72 naaresto, 27 ang High-Value Individuals (HVI), 41 ang Street-Level Individuals (SLI), habang apat naman ang hindi kabilang sa dalawang kategorya.

Nasamsam din ng kapulisan ang kabuuang 2,318.45 gramo ng hinihinalang shabu at 42 gramo ng liquid marijuana na may tinatayang halagang P15,774,020.

Pinakamaraming operasyon ang naitala ng Iloilo City Police Office na umabot sa 23 operasyon, kung saan 24 na personalidad ang naaresto.

-- ADVERTISEMENT --

Sinundan ito ng Iloilo Police Provincial Office, Capiz Police Provincial Office, Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU), Aklan Police Provincial Office, at Guimaras Police Provincial Office.

Samantala, matagumpay din ang isinagawang manhunt operations ng PRO-6 na nagresulta sa pagkakaaresto ng 136 na indibidwal. Kabilang dito ang 100 Other Wanted Persons at 36 Most Wanted Persons.

Ipinagmalaki rin ni Sencil na lahat ng Top 10 Most Wanted Persons sa regional level ay naaresto sa loob lamang ng 11 araw.

Nagpasalamat naman ang PRO-6 sa patuloy na pakikiisa at suporta ng mga mamamayan sa mga programa at operasyon ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon ng Western Visayas.