-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Hindi pa gaanong nararamdaman ng mga tsuper ang benepisyo ng pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, ayon kay Elmer Forro, Secretary General ng BAYAN Panay.

Ayon kay Forro, nasa apat na piso pa lamang ang ipinatupad na rollback sa presyo ng langis, habang may ilang gasoline station na hindi pa nagbababa ng kanilang presyo.

Dagdag pa niya, limitado ang epekto nito sa mga pampublikong sasakyan dahil diesel ang pangunahing ginagamit ng mga jeepney at mas mababa rin ang rollback dito.

Sa Iloilo, tinatayang 20 litro ng diesel ang konsumo ng ordinaryong public utility jeepney kada pasada, habang umaabot naman sa 35 litro ang konsumo ng modernized jeepney.

Katumbas lamang umano ng P80 ang matitipid ng ordinaryong jeepney sa apat na pisong rollback, kumpara sa mahigit P800 na nadagdag sa kanilang gastusin nang tumaas ang presyo ng krudo.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag din ni Forro na nangangamba ang mga tsuper na pansamantala lamang ang pagbaba ng presyo at maaari itong muling tumaas sa susunod na dalawang linggo, lalo na sa paglapit ng Disyembre at patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.

Samantala, sinabi niyang malabo pang manawagan ang gobyerno ng pagbaba ng pamasahe hangga’t hindi bumababa sa P55 kada litro ang presyo ng gasolina, mula sa mahigit P80 sa kasalukuyan.

Gayunman, bukas umano ang mga tsuper sa pagbabawas ng pamasahe kung matitiyak ng gobyerno na magiging permanente ang mababang presyo ng langis.

Nanawagan din si Forro sa pamahalaan, Department of Energy at Department of Trade and Industry na mahigpit na bantayan ang presyo ng petrolyo upang matiyak na naipapasa sa lokal na merkado ang pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Iminungkahi rin niya ang pagrerepaso sa Oil Deregulation Law dahil umano sa limitadong kapangyarihan ng gobyerno na kontrolin ang presyo ng gasolina at krudo.