-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Makakaranas ng halos 13 oras na power interruption ang ilang bahagi ng Aklan at Isla ng Boracay, araw ng Huwebes at Biyernes, Pebrero 12 at 13, 2026 dahil sa patuloy na pag-repair sa nasirang underground cable sa Isla ng Boracay ko Setyembre it nagtaliwan nga dag-on.

Ayon kay National Grid Corporation of the Philippines o NGCP Western Visayas spokesperson Reagan Alcantara, magsisimula ang power interruption alas-5:00 ng umaga na magtatagal ng alas-6:00 ng gabi.

Aniya, magka-kabit sila ng cable at tapping ng bagong underground cable, kabilang ang pagsasagawa ng simulation ng mga protection system sa kahabaan ng 69kV Unidos–Caticlan Line.

Maliban dito, magsasagawa rin ng isolation o pagtanggal ng inilagay na pansamantalang bypass line at pagpapadaloy ng kuryente o energization gayundin ang paglalagay ng load sa bagong underground cable.

Ang mga maapektuhang lugar ay ang Caticlan at Boracay sub-stations, bayan ng Nabas at iba pang lugar sa lalawigan ng Aklan.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Alcantara na ito na ang ikatlo at posibleng pang-huling shutdown.

Minamadali umano nila ang trabaho upang maging metatag at maaasahan ang power supply sa Boracay para sa muling pag-host nito ng ibang pulong ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) summit ngayong taon.

Isinasagawa ang permanenteng pagkukumpuni sa nasirang 69kV underground cables sa Boracay matapos ang malawakang power interruption noong Setyembre 2025 na dulot ng water damage malapit sa Caticlan Airport.

Humingi naman ng paumanhin ang NGCP sa abalang maaaring idulot ng nasabing power interruption at pinaalalahanan ang publiko na posibleng matapos nang mas maaga ang mga gawain.