Nanawagan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na samantalahin ang mga serbisyong pang-maagang screening upang maiwasan ang huling pagkatuklas ng sakit at mataas na gastusin sa gamutan.
Sa inilunsad na programa sa Social Security System Diliman, sinabi ng ahensya na pinalalapit ng pamahalaan ang mga serbisyong pangkalusugan upang mas maging madali ang pagpapatingin ng mga mamamayan. Layunin din nitong tugunan ang mga hadlang tulad ng layo ng pasilidad, kakulangan sa oras, at gastos sa pagpapagamot.
Sa ilalim ng YAKAP Program, nag-aalok ang PhilHealth ng libreng konsultasyon at screening tests. Hinihikayat din ng ahensya, kasama ang Department of Health, ang publiko na magpa-regular check-up sa mga YAKAP center.
Maaaring makatanggap ang mga benepisyaryo ng hanggang P20,000 halaga ng gamot at serbisyong medikal bawat taon. Noong Enero 2026, mahigit 4,000 YAKAP clinics na ang akreditado sa buong bansa.













