Kinumpirma ng Malacañang na humihingi ng political asylum sa France ang dating mambabatas na si Zaldy Co, matapos siyang mawala sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic. Ayon sa Palasyo, inilipat si Co sa hurisdiksyon ng France kung saan nakabinbin ang kanyang asylum petition.
Nilinaw din na kasalukuyang nasa France si Co ngunit hindi nakakulong. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kanselado na ang kanyang regular at diplomatic passports matapos ang utos ng korte noong Disyembre 2025, at iniulat na rin ito sa Interpol.
Iginiit ng pamahalaan na patuloy itong makikipag-ugnayan sa mga dayuhang gobyerno upang maibalik si Co sa Pilipinas at harapin ang mga kasong graft at malversation laban sa kanya. Nakatakda ring makipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kinatawan ng France at Czech Republic upang talakayin ang kalagayan ni Co.
Ayon sa Palasyo, bagaman nadismaya ang Pangulo sa mga pangyayari, kuntento ito sa naging aksyon ng mga opisyal at wala itong sinisisi sa insidente.













