KALIBO, Aklan — Nakikiisa ang Livestock, Hog and Poultry Association sa lalawigan ng Aklan sa panawagan ng mga lokal na magbabababoy sa bansa sa pamamagitan ng Pig Holiday, ngunit hindi nito hinikayat ang mga miyembro na pansamantalang itigil ang pagbebenta ng mga baboy.
Ayon kay Engr. Jun Agravante, presidente ng asosasyon, balanse pa ang suplay at pangangailangan ng baboy sa Aklan kaya patuloy ang pagbebenta ng mga alagang baboy hangga’t may available na suplay. Iba umano ang sitwasyon sa ibang probinsya kung saan marami ang suplay ngunit mababa ang pangangailangan.
Sa kabilang daku, malaking tulong din umano sa mga magbababoy kung maipatutupad ang itinakdang ₱180 kada kilo na farmgate reference price sa Aklan, kahit mabawi lamang nila ang gastos sa produksyon. Sa kasalukuyan, nasa ₱160 kada kilo ang presyong iniaalok ng ilang trader, habang kinakailangan umano ng ₱200 hanggang ₱210 kada kilo upang kumita ang mga hog raiser.
Nabatid na ipinagpatuloy ng mga magbababoy sa bansa ang kanilang Pig Holiday bilang protesta laban sa patuloy na pagdami ng inaangkat na karneng baboy at mababang presyo ng lokal na produkto. Nanawagan sila sa pamahalaan na pansamantalang itigil ang importasyon at itaas ang taripa sa mga imported na produktong baboy.
Ayon kay AGAP Party-list Representative at Pork Producers Federation of the Philippines Chairman Nicanor Briones, nagdudulot ng malaking pagkalugi sa mga lokal na hog raiser ang pagdami ng pork imports, na maaaring magresulta sa pagsasara ng ilang babuyan. Babala rin ng grupo, posibleng maapektuhan ang suplay ng sariwang karne sa hinaharap kung patuloy na mababawasan ang mga nag-aalaga ng baboy.
Gayunman, tiniyak ng Department of Agriculture na sapat ang suplay ng karneng baboy at hindi inaasahang magkakaroon ng kakulangan sa panahon ng Kapaskuhan hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.












