-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang mas dadami ang mga kabataang edad 15 hanggang 24 na magkakaroon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) pagsapit ng 2030 kung hindi paiigtingin ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat nito, ayon sa AIDS Society of the Philippines (ASP).

Batay sa projection ng grupo, maaaring umabot sa 47,029 ang mga kaso ng HIV sa edad 15 hanggang 24 pagsapit ng 2030, habang 17,446 naman ang inaasahan sa edad 25 hanggang 30.

Ayon kay ASP President Dr. Rossana Ditangco, kabilang sa mga dahilan ng panganib ang kakulangan sa kaalaman tungkol sa HIV, hindi agarang paggamit ng proteksiyon at pagkaantala sa pag-access sa mga serbisyong pangkalusugan.

Batay rin sa datos na ibinahagi ng grupo, 17 porsiyento lamang ng mga kabataang lalaki at babae sa pangkalahatang populasyon ang may komprehensibong kaalaman tungkol sa HIV.

Dahil dito, hinimok ng ASP ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang sektor na palakasin ang edukasyong seksuwal, HIV testing at access sa condom upang maiwasan ang pagkalat ng HIV at iba pang sexually transmitted infections (STIs).

-- ADVERTISEMENT --