-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si impeachment adviser at tagapagsalita Robert Ace Barbers sa legal team ni Vice President Sara Duterte na iwasan ang anumang hakbang na maaaring magpatagal sa impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Barbers, may karapatan ang depensa na magharap ng mga ebidensiya, ngunit hindi ito dapat gamitin upang maantala ang paglilitis sa pamamagitan ng paulit-ulit na testimonya, sobrang dami ng saksi at mga isyung pampolitika na walang kaugnayan sa pangunahing usapin.

Binigyang-diin niyang dapat manatiling nakatuon ang paglilitis sa Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, kabilang ang kaniyang mga idineklarang ari-arian, kita at interes sa negosyo.

Dagdag pa ni Barbers, dapat igalang ng magkabilang panig ang mga patakaran at naunang pasya ng impeachment court upang matiyak na matatalakay nang maayos ng mga senador-huwes ang mga usaping nakahain sa kanila.