Tinanggihan ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng mga abogado ng mga biktima na gamitin ang wikang Tagalog sa kanilang opening statement sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa huling status conference nitong Nobyembre 2, hiniling ng Office of Public Counsel for Victims na payagang gumamit ng Tagalog sa loob ng 15 hanggang 20 minuto upang mas maunawaan ng mga biktima sa Pilipinas ang kanilang mga pahayag at karanasan.
Gayunman, ipinaliwanag ni Presiding Judge Joanna Korner na Ingles at Pranses ang opisyal na working languages ng korte batay sa Rome Statute at kinakailangan ng pambihirang dahilan upang payagan ang paggamit ng ibang wika.
Sa halip, sinabi ni Korner na titingnan ng korte kung maaaring maglabas ng salin sa Tagalog o transcript ng paglilitis sa website ng ICC.
Hindi dumalo si Duterte sa naturang pagdinig matapos siyang bigyan ng eksepsiyon.
Inaasahan naman siyang dumalo araw-araw sa pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30.
Samantala, itinakda ang pagdinig mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, oras sa The Hague, na may pahinga kada isang oras alinsunod sa payo ng mga eksperto sa kalusugan ni Duterte.













