Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) Philippines sa publiko hinggil sa posibleng panganib sa kalusugan na dulot ng ilang squishy toys dahil sa mga kemikal na maaaring taglay o inilalabas ng mga ito.
Sa advisory na inilabas noong Oktubre 26, 2026, sinabi ng FDA na may ilang squishy toys na maaaring maglabas ng mapanganib na kemikal, kabilang ang benzene, na maaaring magdulot ng pagkahilo at pagkawala ng malay.
Pinayuhan ng ahensya ang mga mamimili na suriing mabuti ang mga laruan bago bilhin o gamitin.
Kabilang sa mga dapat bantayan ang matapang na amoy kemikal, malagkit o mamantikang ibabaw, pagtagas, butas, punit, madaling pagkasira at pagbabago ng kulay.
Naglabas din ang FDA ng mga paalala at gabay upang matulungan ang publiko na makapili ng ligtas na produkto.
Samantala, noong Setyembre, nagbabala rin ang pamahalaan ng United Kingdom laban sa isang uri ng squishy toy matapos matuklasan sa pagsusuri ang mga volatile organic compounds (VOCs), kabilang ang xylenes at styrene, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.













