-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Iginiit ni dating Department of Agriculture (DA) Secretary at Federation of Free Farmers Board Chairman Leonardo Montemayor na hindi sapat ang 60-araw na suspensyon sa pag-aangkat ng mga produktong baboy upang matulungan ang mga lokal na mag-aalaga ng baboy o hog raisers.

Ayon kay Montemayor, patuloy pa ring sobra ang suplay ng baboy sa bansa dahil sa dami ng mga imported pork na pumapasok sa merkado. Tinatayang aabot pa sa limang buwan ang sobrang suplay nito.

Dahil dito, mas mainam umano kung palalawigin sa 150 araw ang suspensyon ng importasyon, hanggang Marso, upang maibalik sa tamang antas ang presyo ng baboy sa farmgate o live weight.

Paliwanag ni Montemayor, pansamantalang tulong lamang sa mga hog raisers ang 60-day ban dahil mayroon pang mga naunang inangkat na karneng baboy na nakaimbak sa mga cold storage facility.

Samantala, naghahanda na rin umano ang iba’t ibang organisasyon ng mga magsasaka na manawagan sa pagbabalik ng mas mataas na taripa sa imported pork matapos ang limang buwang suspensyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bago ang 2024, nasa 30 hanggang 40 porsiyento ang taripa sa imported pork, ngunit ibinaba ito sa 15 hanggang 20 porsiyento kasunod ng pagpapatupad ng Executive Order No. 62.

Ayon kay Montemayor, naging dahilan umano ang pagbaba ng taripa upang mapabilis ang pag-aangkat ng baboy, na nagresulta naman sa pagbaba ng farmgate price.

Inihayag din niya na mula Enero 2026, umaabot na sa ₱28 bilyon ang naitalang pagkalugi ng mga hog farmer sa loob lamang ng anim na buwan.

Posible pa umanong madagdagan ang pagkalugi pagsapit ng Setyembre o Oktubre kung hindi maibabalik ang mas mataas na taripa sa imported pork.