-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Isang Aklanon ang napiling kumatawan sa Pilipinas sa 5th ASEAN Youth Dialogue na gaganapin sa Maynila mula Nobyembre 11 hanggang 16, 2026.

Ayon kay John Marlou Salido, ASEAN Youth Dialogue representative, malaking oportunidad ang kaniyang pagkakapili upang higit pang mapalawak ang kaalaman tungkol sa mga usaping maaaring makatulong sa mamamayan, partikular sa mga kabataan.

Ipinaliwanag ni Salido na pagtitipon ang programa ng mga batang lider mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia na inorganisa ng National Youth Commission (NYC).

Kabilang sa mga aktibidad ang mga pambungad na programa, pakikipagpulong sa ASEAN Secretary at kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), gayundin ang mga workshop kung saan ilalahad ng mga kalahok ang kanilang mga adbokasiya.

Isa sa mga pangunahing bahagi ng programa ang pagpili ng mga kinatawang magkakaroon ng pagkakataong makipagdayalogo sa matataas na opisyal ng ASEAN sa huling araw ng pagtitipon.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang Project Development Officer III ng DSWD Field Office VI, sinabi ni Salido na pagkakataon din ito upang maipresenta ang mga inisyatibang maaaring makatulong at makapagbigay ng benepisyo sa iba pang kabataang Aklanon.