KALIBO, Aklan — Ipinahayag ni Kabataan Partylist Representative Atty. Rene Co na sa halip na pabulaanan ng mga testigo ng depensa ang mga alegasyon sa Articles of Impeachment, partikular sa usapin ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman, lalo pa umanong nadaragdagan ang mga katanungan laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Co, maaaring bahagi ng taktika ng defense team ang mga paligoy-ligoy na sagot at kawalan ng direktang tugon, maging sa mga simpleng katanungan.
Binigyang-diin din niya na ang pag-amin ng mga testigo na wala silang sapat na kaalaman o hindi nila makumpirma ang ilang impormasyon ay hindi maituturing na matibay na depensa laban sa mabibigat na alegasyon.
Dagdag pa ni Co, lalo umanong naging komplikado para sa depensa ang testimonya ni Suzette Balucanag Punay, in-house counsel ng GenCorp, matapos nitong aminin na nakatanggap si VP Sara ng bayad na nagkakahalaga ng P2.14 million.
Ayon kay Co, posibleng may kaugnayan ito sa paglabag sa probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng interes sa ilang transaksyon.
Umaasa naman si Co na masusing susuriin ng Senate Impeachment Court ang kalidad ng mga sagot ng mga susunod na testigo upang matukoy kung kinakailangan pang pakinggan ang lahat ng mga ito at posibleng mabawasan ang bilang ng mga testigong ihaharap sa paglilitis.













