KALIBO, Aklan — Naglabas ng mga panuntunan ang lokal na pamahalaan ng Kalibo para sa pagsasagawa ng mga aktibidad na “Sadsad” sa paligid ng Pastrana Park, na nagsimula noong Nobyembre 4 at magtatagal hanggang Disyembre 31.
Ayon kay Carla Suñer-Doromal, Executive Assistant to the Mayor, alinsunod sa Executive Order No. 77 na inilabas noong Nobyembre 3, itinakda ang oras ng pagsasagawa ng sadsad mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi, Lunes hanggang Sabado, at pagkatapos naman ng huling misa tuwing Linggo.
Hindi rin pinapayagan ang pagsasagawa ng sadsad mula Disyembre 15 hanggang Disyembre 24 upang bigyang-daan ang pagdaraos ng Simbang Gabi.
Pinapayagan lamang ang pagsasagawa ng sadsad sa mga kalsadang nakapalibot sa Pastrana Park at sa inner lane lamang maaaring magtipon ang mga grupo upang manatiling bukas ang outer lane para sa mga pedestrian at daloy ng trapiko.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-inom ng alak at pagdadala ng mga matutulis o mapanganib na bagay sa lugar.
Mananatili rin ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Magdaragdag din umano ng police visibility sa lugar, habang hinihikayat ang mga lider ng bawat grupo na ipaalam sa kanilang mga miyembro ang mga itinakdang panuntunan.
Paliwanag ni Suñer-Doromal, layunin ng mga panuntunang ito na matiyak ang kaligtasan, kaayusan at maayos na pagdaraos ng mga aktibidad sa panahon ng selebrasyon. Via Bombo Ashley Mae Pamaos













