-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Hindi dapat ipagdiwang ang malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil pansamantala lamang ito at patuloy na mararanasan ng mamamayan ang epekto ng krisis sa langis.

Ito ang pahayag ni Kim Sin Tugna, Provincial Coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN-Aklan), na kumuwestiyon sa hindi pagsunod ng mga kompanya ng langis sa inirekomendang rollback sa presyo ng pamahalaan.

Ayon kay Tugna, ipinapakita nito ang kawalan ng kakayahan ng pamahalaan na kontrolin ang presyo ng langis, lalo’t ang mismong gobyerno ang nagpatupad ng Oil Deregulation Law na nagbigay ng kalayaan sa mga kompanya ng langis na magtakda ng sarili nilang presyo.

Kinuwestiyon din ni Tugna ang timing ng malakihang rollback na iniuugnay sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit. Aniya, posibleng hakbang lamang ito ng pamahalaan upang maibsan ang reklamo ng publiko sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Iginiit din niya na umabot umano sa halos P22 bilyon ang ginastos ng pamahalaan sa pagho-host ng summit, sa kabila ng maraming Pilipinong nahihirapan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag din si Tugna ng pagdududa na posibleng muling tumaas ang presyo ng langis matapos ang ASEAN Summit.

Dahil dito, muli niyang iginiit ang agarang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at pagsuspinde sa excise tax at value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo upang mapababa ang presyo ng langis at maibsan ang pasanin ng mga mamimili.