-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng pagdududa si House Prosecution adviser Ace Barbers na magdudulot ng malawakang kaguluhan sa bansa ang magiging desisyon ng Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay kasunod ng panawagan ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa Philippine National Police (PNP) na maghanda sa posibleng tensyon sa pagitan ng mga tagasuporta at kritiko ng Bise Presidente.

Ayon kay Barbers, bagama’t posibleng magpahayag ng pagtutol ang ilang tagasuporta ni Duterte, hindi niya inaasahang hahantong ito sa malaking kaguluhan o pagkasira ng kaayapaan sa bansa.

Tiniyak naman ni House Prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong na may kakayahan ang PNP na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan anuman ang maging hatol ng impeachment court.

Binigyang-diin din niya na ang impeachment ay isang prosesong naaayon sa Konstitusyon upang panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan sa mga nagawang paglabag, nang hindi humahantong sa karahasan o krisis sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --